SAKALING lumindol kapag gumalaw muli ang West at East Valley Faults sa Metro Manila at yuyugyugin din ng mga ito ang mga karatig na lalawigan ng Bulacan at Pampanga, kaya ba ng City of San Fernando Water District (CSFWD) na patuloy na makapaghatid ng tubig sa halos 43,000 nitong concessionaires na kabahayan at negosyo

Ang sagot ay isang malinaw at malakas na oo!

“Ang target ng CSFWD ay tuloy-tuloy na makapaghatid ng tubig, may kalamidad man o wala,” sabi ni Jorge Gumba, general manager ng CSFWD. “Ito ang mandatong bigay ng Presidential Decree 198 (Provincial Water Utilities Act of 1973). Ang preparedness sa eartquake, climate change at flooding ay laman ng water safety plan ng CSFWD,” dagdag ni GM Gumba.

Bilang paghahanda sa “Big One” —-ang tawag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) sa earthquake na ireresulta ng paggalaw ng valley faults—-ang CSFWD ay nagsagawa ng orientation at drill nitong Sept. 21-22.

Ipinaliwanag ni Phivolcs director Dr. Renato Solidum Jr. ang panganib ng Big One. Bagamat hindi nakatuntong ang City of San Fernando sa anumang fault na nag-ge-generate ng lindol, ang mga nasirang simbahan sa Pampanga ay konkretong ebidensya na sinalanta rin ng mga lindol ang lalawigan.

Payo ni Solidum: Pagsasalba ng buhay at ari-arian ang pakay ng paghahanda. Importante rin na hindi ma-disrupt ang serbisyo ng gobyerno gaya ng CSFWD na isang government-owned and controlled corporation.

Ang Republic Act 10120, kilala rin bilang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010), ay tinalakay ni Raymond Del Rosario, City Disaster Risk Reduction Management Officer ng City of San Fernando.

Inilatag ng batas ang tungkulin at responsibilidad ng mga pambansa at lokal na ahensiya pati mga local governments (provincial, city at municipal hanggang barangay) sa pagbabawas ng panganib, paghahanda bago mangyari ang kalamidad at pagtugon sa panahon ng kalamidad.

Ang City of San Fernando Disaster Risk Reduction and Management Office (CSFDRRMO) ang nagsanay sa CSFWD sa pagsasagawa ng earthquake drill sa dalawang opisina at 34 pump stations nito.

Ang CSFWD, kasama ang Pampanga Association of Water District, ay nakahandang lumagda  ng isang memorandum of agreement sa Pampanga Provincial Government kaugnay sa disaster preparedness. Kinilala ni Gov. Lilia Pineda ang kahalagahan ng malinis at sapat tubig lalo na sa panahon ng kalamidad.

Ayon kay CSFWD chairperson Tonette Orejas, marami pang aktibidad at pakikiisa sa mga sektor ang kailangang gawin upang maging lubos na handa ang water district..